peperonity.net
Welcome, guest. You are not logged in.
Log in or join for free!
 
Stay logged in
Forgot login details?

Login
Stay logged in

For free!
Get started!

Text page


amazinggrace.peperonity.net

(¨`°»~BALITANG PINAS~«°`¨)

Pinoy DH, Nurses ginigipit!
(Rose Miranda/Irish Ann Cruz)

Sa Japan ay inaayawan ng mga Japanese nurses ang pagpasok dito ng mga Filipino nurses ngunit desidido ang pamahalaang Arroyo na ipilit ang karapatan ng mga kababayang magtrabaho sa naturang bansa sa ilalim ng isang kasunduan sa pagitan ng dalawang pamahalaan.

Sa kaso naman ng mga Filipino domestic helpers (DHs), mismong mga employment agencies sa recruitment industry ang humaharang sa ide-demand na mas mataas na sweldo ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga kababayang namamasukan bilang kasambahay sa mga dayuhang teritoryo.

Ang dalawang uri ng panggigipit na ito sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang pangunahing problemang kinakaharap ngayon ng kasalukuyang pamahalaan.

Dumagdag pa rito ang tumitinding white slavery activities ng iba't ibang sindikato sa bansang Kuwait kung saan kadalasang nabibiktima ay mga Pinoy DHs din.

Kahapon ay sinabi ng Malacañang na igigiit pa rin ng Pilipinas ang karapatan ng mga Filipino nurses na makapagtrabaho sa Japan sa ilalim ng mga probisyon ng kontrobersyal na Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) na mariing tinututulan ngayon ng Japanese nurses sa katwirang agrabyado silang mga local health workers sa nasabing kasunduan.

Kasabay ng paggiit sa karapatan ng Pinoy nurses na makapasok sa Japan ay inamin naman ni Press Sec. Ignacio Bunye sa kauna-unahang pagkakataon na hindi perpekto ang JPEPA ngunit malaki umano ang magiging pakinabang ng dalawang bansa kung magkakapalitan ng kaalaman at kasanayan ang mga Filipino at Japanese nurses.

"The Philippines and Japan are committed to the implementation of the JPEPA in letter and spirit. We know it is not a perfect accord but what is important is that all lines of communication and dialogue are open," ani Bunye.

Ang JPEPA ay nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong nakaraang linggo at isinumite na sa Senado para sa kinakailangang ratipikasyon. Sa panig ng Senado, tiniyak nitong dadaan sa butas ng karayom ang JPEPA dahil naman sa probisyon nitong pagtatapon ng basura ng Japan sa Pilipinas.

Samantala, kahapon ay ibinabala ng recruitment industry na tinatayang 100,000 trabaho ang mawawala para sa mga Pinoy DH oras na itulak ng pamahalaan ang pagtatakda ng minimum wage sa mga ito sa halagang $400 mula sa dating $200 kada buwan.

"Overseas deployment will slump because the Middle East countries where 80% of domestic helpers is deployed each year will not honor the $400 salary and have in fact declared that they will not allow entry of OFWs since it will upset their salary scales in their country," anang isang source mula sa industriya na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Sa halip umanong job generation ang likhain ng ambisyosong hakbang ng DOLE ay 'degeneration' ang mangyari dahil malaking merkado ang bibitaw sa Pinoy DH.

Sinabi pa nito na nananaginip umano si DOLE Sec. Arturo Brion kung inaakala nitong makakasapat ang mga bagong bansang magbubukas ng employment para sa mga OFWs kapalit ng bibitaw na Middle East market.

Samantala, hinggil naman sa tumitinding aktibidad ng white slavery syndicates sa Kuwait na bumibiktima ng mga dayuhang manggagawa, tulad ng mga Pinoy DH, ikinabahala ni dating DOLE Undersec. Susan Ople ang ulat ni Philippine Amb. to Kuwait Ricardo Endaya na patuloy na tumataas ang bilang ng mga biktimang Filipina ng gang rape at white slavery sa nasabing bansa.

Bilang alternatibong solusyon sa problema habang hindi pa nakakapagpatupad ng kongkretong hakbang ang pamahalaan ng Pilipinas upang maprotektahan ang mga OFWs sa Kuwait laban sa sindikato, "We would like to remind our workers to always make sure that they are dealing with legitimate and reputable recruitment agencies," ani Ople na pangulo rin ng Blas Ople Policy Center.
<><><><><><><><><><>

Kakutsabang gabinete sa 'Hidden Pork' sibakin -- Miriam

(Boyet Jadulco)

Iginiit kahapon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang pagsipa sa mga miyembro ng gabinete na naging kakutsaba ng mga kongresista sa pagpapalaki ng kanilang congressional insertions kapalit ng karagdagang budget sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Santiago, dapat umanong parusahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga miyembro ng gabinete na nagla-lobby sa mga kongresista at senador para madagdagan ang budget ng kanilang tanggapan karga ang 'hidden pork' ng kakutsabang mga solon gayong ipinapairal ng pamahalaan ang pagtitipid sa pondo ng gobyerno.

"In extreme cases, I shall even go as far as to recommend that cabinet members lobbying for increases in their agency budgets should be fired," pagdidiin ng senadora.

Ibinuko pa ni Santiago sa isang privilege speech sa Senado na nagiging karagdagang pork barrel fund ng mga kongresista ang mga dinadagdag na budget sa mga ahensiya ng gobyerno.

Sa kalakarang ito, itataas ng mga mambabatas ang budget ng isang ahensiya ng gobyerno sa kondisyon na ipapagamit sa kanila ang ibang bahagi ng nadagdag na budget bilang "pork barrel fund" sa kanilang pet projects.

Dahil sa paghingi ng mga karagdagang budget ng mga kagawaran ng gobyerno, lumobo ng P8 bilyon ang orihinal na P1.126 trilyong panukalang budget ng pamahalaan para sa susunod na taon.

Ani Santiago, labag sa Article VI, Section 25, paragraph 1 ng 1987 Constitution ang dagdag sa proposed budget na isinumite ng Pangulo sa Kongreso.

Kabilang sa nabigyan ng karagdagang budget ay ang Department of Health (DOH) na binigyan ng Kamara ng P11.788 bilyong budget para sa taong 2007.

Sa kabila ng mga kontrobersyal na desisyon, biniyayaan din ng 58% umento sa budget ang Office of the Ombudsman nang bigyan ito ng Kamara ng P1.175 bilyon.

Maging ang Kamara ay biniyayaan ang kanilang sarili nang itaas ang kanilang budget sa susunod na taon sa halagang P3.4 bilyon.

"The House of Representatives, Department of Health, and Ombudsman, are the top three agencies with quantum increases over the President's budget. As a lawyer, I have to reiterate that these increases are unconstitutional," diin ni Santiago.

Binanggit din ng senadora ang iba pang tanggapan na kinargahan ng 'hidden pork barrel' ng mga kongresista tulad ng Department of Education (DepEd), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Energy (DOE).
<><><><><><><><><><><>

3M kilong manok aangkatin ng Pinas

(Noel Abuel)

Bunsod ng nalalapit na Kapaskuhan at inaasahang pagtaas ng demand at kailangang supply ng manok ay pinayagan na ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng tatlong milyong kilo ng produktong manok ang bansa.
Sa isang press conference, sinabi ni Agriculture Secretary Arthur Yap, ang importasyon ng bultu-bultong manok na buo at binti ng manok ay napagkasunduan sa ginanap na consultative meeting sa pagitan ng opisyales ng DA at stakeholders ng poultry industry.

Ito ay matapos ang naranasang kalamidad na tumama sa bansa dulot ng bagyong Milenyo kamakailan.

Inaasahan din ng ahensya na hindi tataas ang presyo ng manok sa bansa kapag dumating na ang mga importadong manok bago mag-Pasko.
<><><><><><><><><><><>

Kawawa tayo sa Oposisyon

Horacio Paredes

Masama ang sitwasyon ng oposisyon. Sa ngayon, dalawang beteranong pulitiko ang nagbabanatan - si Senador Nene Pimentel at si Senador Edgardo Angara. Ang malungkot sa dalawang ito ay hindi prinsipyo ang kanilang pinag-aawayan kundi personal na mga bagay.

Noong unang panahon, ang mga partido ay nagtatawag ng kumbensiyon upang piliin ang mga kandidato sa parating na halalan. Ang partido ni Pimentel - PDP o Partido ng Demokratikong Pilipino - ay nagsimula na mataas ang prinsipyo. Ngunit, ano na ang nangyari rito? Gumaya na rin sa ibang mga partido sa bansa na ang mga ito’y behikulo lamang ng mga pulitiko upang makatuntong sa kapangyarihan. Sa totoo, wala namang pagkakaiba ang PDP ni Pimentel at ang LDP o Laban ng Demokratikong Pilipino ni Angara. Kapwa sila mga partido ng Pamilya Pimentel at Pamilya Angara. Kung ano ang gusto ng mga Angara’y nasusunod sa LDP. Ang PDP naman ay laro-laruan ng mga Pimentel.

Sa ngayon, ang layunin ng mga Pimentel ay ang isabak ang anak ni Nene na si Kuko sa pagka-senador. Kung ito’y isasama sa line-up ng oposisyon, doon ang mga Pimentel. Kung hindi naman ito tatanggapin ng oposisyon, baka kung ano ang gawin ng pamilyang Pimentel. Ganoon din ang mga Angara. Ang anak ni Edong Angara na ngayon ay isang kongresista, ang gusto naman ng ama na matanggap sa linya ng mga kandidato sa pagka-senador ng oposisyon. Ganoong-ganoon din ang sitwasyon nila. Kagaya rin ng mga Pimentel, kung makukuha nila ang kagustuhan nila sa oposisyon, doon ang mga Angara. Kung hindi naman, baka kung saan sila pumanig.

Bakit ganito na tayo? Ano na ang nangyari sa prinsipyo? Papaano pa makakapasok sa mga partidong ito ang hindi kamag-anakan ng mga lider na matagal nang naririyan - na sa katunayan ay sumasama naman kahit kanino at hindi dahil sa prinsipyo kundi dahil sa ambisyon?

Halimbawa, naaalala pa ba ninyo kung sino ang may hawak ng mikropono noong nanumpa si Gloria Arroyo sa pagka-pangulo? Bakit ginawa ito ni Pimentel? Bakit pa nga, kundi sa ambisyon na mapiling bise presidente ni Arroyo? At kung napili siya, maiiba kaya siya kay Guingona o kay Arroyo na dumaan sa pagka-bise upang gamitin lamang ang posisyon para sa sariling kapakanan?

Tama lamang na kumampi tayo sa kalaban ng ating kinapupuotan ng Pangulo. Ngunit, dapat naman sana na ang mga nagpapakilalang oposisyon ay mayroong prinsipyong pinaninindigan. Kung wala kasi’y baka naman kapag sila na ang nasa puwesto’y wala namang gagawing pagkakaiba sa mga ginagawa ngayon ni Gloria Arroyo.

* * *

Dapat lamang na tapatin ni Gloria Arroyo ang bansa kung ano nga ba ang sakit niya. Tatlong beses na siyang pumasok sa St. Luke’s Hospital kung saan ang kanyang doktor ay isang espesyalista sa liver cancer.

Kahit iba-iba ang kanyang reklamo - sakit ng tiyan, flu at ngayon, check-up lamang - isa lamang ang kanyang doctor - si Dr. Juliet Cervantes, isa sa dadalawang espesyalista ng ospital sa liver cancer.

Ayon sa Malacañang, wala naman daw dapat ipaalam sa bayan dahil sa wala naman daw sakit si Gloria. Sana naman ay totoo ito dahil baka naman nakakalimot ang mga taga-Malacañang na taong-bayan ang nagbabayad ng mga gastos sa pagpapaospital ng Presidente at dahil sa tayo naman ang nagbabayad, dapat lamang na nalalaman man lang natin kung ano nga ba ang sakit ng ating pinaggagastusan! Kaya naman pala tinatawag ito na "Mahal na Pangulo" ay dahil sa talagang may kamahalan siyang patuluyin sa paglilingkod, napakaraming gastusin! Napakamahal!




This page:




Help/FAQ | Terms | Imprint
Home People Pictures Videos Sites Blogs Chat
Top
.